RASHID OCAMPO

Nov 11, 2026

Nasa Taas ang Allah

Sinabi ng Allah, ang Kataas-taasan:

وَهُوَ ٱلۡقَاهِرُ فَوۡقَ عِبَادِهِۦۚ وَهُوَ ٱلۡحَكِيمُ ٱلۡخَبِيرُ

"At Siya ang Tagapagsupil na nangingibabaw sa Kanyang mga alipin at Siya ang Tigib ng Karunungan, ang Lubos na Nakababatid [ng lahat]."

(Al-An'am 6:18)

At Kanyang sinabi:

يَخَافُونَ رَبَّهُم مِّن فَوۡقِهِمۡ وَيَفۡعَلُونَ مَا يُؤۡمَرُونَ ۩

"Kanilang kinatatakutan ang kanilang Panginoong nasa kanilang itaas, at kanilang ginagawa ang anumang ipinag-utos sa kanila."

(An-Nahl 16:50)

At Kanya pang sinabi na Siya ay nasa ibabaw ng kalangitan:

ءَأَمِنتُم مَّن فِي ٱلسَّمَآءِ أَن يَخۡسِفَ بِكُمُ ٱلۡأَرۡضَ فَإِذَا هِيَ تَمُورُ

"Kayo ba ay nakadarama ng katiwasayan na Siya na nasa kalangitan ay hindi magtutulot na kayo ay lamunin ng lupa kapag ito ay biglang umuga?"

(Al-Mulk 67:16)

Ito ay iilan lamang sa maraming talata ng maluwalhating Qur'an na nagpapatunay na ang Allah mismo ang nagsabi na Siya ay nasa "taas." Ngunit marami pa rin ang tumatanggi at nagsasabing ang Allah ay wala raw sa taas, kahit malinaw pa sa sikat ng araw ang mga talatang ito.

Ang kanilang dahilan? Mali raw ang pagkakaintindi natin sa salitang "fawq", dahil ang kahulugan diumano nito ay hindi literal kundi metaporikal, at ang fawq dito ay nangangahulugan daw na "majesty."

Ano ba Talaga ang Ibig Sabihin ng Fawq?

Sa diksyunaryong Arabic, malinaw na ang ibig sabihin nito ay "taas," "nasa itaas," o "ibabaw."

Isa sa mga pantas ng lughah noong unang panahon ay si al-Layth ibn al-Muzaffar, ang nagpasa ng Kitab al-'Ayn ni al-Khalil ibn Ahmad. Madalas siyang sinisipi sa mga klasikong diksyunaryo gaya ng Tahdhib al-Lughah at Lisan al-'Arab.

Sinabi ni al-Layth patungkol sa salitang fawq:

الفوق نقيض التحت، فمن جعله صفة كان سبيله النصب كقولك: عبد الله فوق زيد، لأنه صفة. فإن صيرته اسما رفعته فقلت: فوقه رأسه، صار رفعا هاهنا لأنه هو الرأس نفسه، ورفعت كل واحد منهما بصاحبه: الفوق بالرأس، والرأس بالفوق. وتقول: فوقه قلنسوته، نصبت الفوق لأنه صفة عين القلنسوة

Ang "fawq" (فَوْق) ay kabaligtaran ng "taht" (تَحْت / ilalim). Kaya kung gagamitin ito bilang ṣifah (dito ay tumutukoy sa pang-abay ng lugar o ẓarf), ang tuntunin nito ay nasa anyong manṣūb (accusative), gaya ng pagsasabi mo: "'Abdullah fawqa Zayd" (Si 'Abdullah ay nasa itaas ni Zayd).

Ngunit kung gagawin mo itong pangngalan (ism), ito ay marfū'. Halimbawa: fawqahu ra'suhu (فوقه رأسه), "Sa itaas niya ay ang kanyang ulo." Dito ay marfū' ito sapagkat ang tinutukoy ay mismong ang ulo; kaya ang bawat isa ay itinaas sa pamamagitan ng isa't isa: ang fawq dahil sa ulo, at ang ulo dahil sa fawq.

At sinasabi mo rin: fawqahu qalansuwatuhu (فوقه قلنسوته), "Sa itaas niya ang kanyang sombrero." Dito, ang fawq ay manṣūb sapagkat ito ay ṣifah na tumutukoy mismo sa sombrero.

Alam kong masyadong technical ang sinabi ni al-Layth, pero malinaw ang punto: ang kahulugan ng "fawq" ay "taas" o "ibabaw."

Kapag tiningnan din natin ang ibang mga diksyunaryo, lalong nagiging malinaw ang usapin. Sa al-Qamus al-Muhit, malinaw na sinabi na ang fawq ay kabaligtaran ng taht (ibaba). Walang binanggit ang mga diksyunaryo na ang pangunahing kahulugan nito ay "majesty" o "kapangyarihan." Ang mga ganitong kahulugan ay secondary lamang, at hindi maaaring gamitin maliban kung may malinaw na ebidensya.

Ang Qa'idah: Al-Aslu fil-Kalam al-Haqiqah

Dito pumapasok ang mahalagang qā'idah sa usul:

الْأَصْلُ فِي الْكَلَامِ الْحَقِيقَةُ

"Ang orihinal at batayang tuntunin sa pananalita ay ang literal at tunay na kahulugan nito."

Ibig sabihin, hindi tayo basta lilihis patungo sa allegory, metaphor, o secondary meaning ng mga salita maliban kung may malinaw na ebidensya mula sa Qur'an, Sunnah, o pagkaunawa ng mga Salaf.

Isipin natin ang isang simpleng halimbawa. Kapag sinabi natin: "Ang bata ay nahulog," ang natural at agad na maiintindihan ay bata ang tinutukoy, hindi matanda, at ang nangyari ay nahulog, hindi itinulak.

Ito ang orihinal at obvious na kahulugan ng mga salita. Ngayon, kung may magsasabi na ang "bata" ay nangangahulugang "matanda," at ang "nahulog" ay nangangahulugang "itinulak," malinaw na siya ang may obligasyong magpakita ng ebidensya. Hindi ang nakarinig ang kailangang magpaliwanag, kundi ang nagbago ng kahulugan.

Ganito rin ang usapin sa fawq. Kapag sinabi ng Allah: "فَوْقَ عِبَادِهِ" (sa itaas ng Kanyang mga alipin), ang natural, literal, at orihinal na kahulugan nito ay taas.

Kung may magsasabi: "Hindi ito nangangahulugang nasa taas ang Allah, kundi majesty lamang," ang tanong ay simple at makatarungan:

  • Nasaan ang ebidensya?
  • May sinabi ba ang Propeta ﷺ na huwag unawain ang fawq bilang taas?
  • May kahit isang Sahabi ba na nagsabi na ang Allah ay wala sa itaas?

Ang sagot: wala. Walang hadith, walang pahayag ng Sahabah, at walang ulat mula sa mga Salaf na nagsasabing ang Allah ay wala sa taas.

Sa halip, kabaligtaran ang makikita natin. Tinanong ng Propeta ﷺ ang aliping babae, "Ayna Allah?" (Nasaan ang Allah?), at tinanggap niya ang sagot na "Fis-samā'" (Nasa langit). Kung mali ang ganitong pagkaunawa, hindi ito pahihintulutan ng Propeta ﷺ, at siya mismo ang unang magsasabi na mali ito at magpapaliwanag ng tunay na kahulugan.

Malinaw ang prinsipyo: ang Qur'an ay inuunawa ayon sa malinaw na wika nito, ang mga salita ay pinananatili sa kanilang orihinal na kahulugan, at ang sinumang lilihis mula rito ang may pasanin ng patunay.

Kaya ang paniniwalang ang Allah ay nasa taas ay hindi bagong ideya, kundi direktang bunga ng Qur'an, ng wikang Arabic, at ng pagkaunawa ng Propeta ﷺ at ng mga Sahabah.

Ijma' ng mga Sahabah at Tabi'in

Tungkol sa ijmā' (pagkakaisa): Nagkaisa ang mga mararangal na Sahabah sa pagpapatibay ng katangian ng 'Uluw (Kataas-taasan) ng Allah. Ang Allah ay nasa ibabaw ng Kanyang 'Arsh (Trono), at walang anumang bagay sa mga kalangitan o sa lupa ang nalilihim sa Kanya.

Abu Bakr (radiyallahu 'anhu)

Nang mabalitaan ni Abu Bakr ang pagkamatay ng Propeta ﷺ, pumasok siya, umiyak, tumingin sa kanya, hinalikan siya sa pagitan ng mga mata at nagsabi:

طِبْتَ حَيًّا وَمَيِّتًا يَا رَسُولَ اللهِ

"Mabuti ka sa buhay at maging sa kamatayan, O Sugo ng Allah!"

Pagkatapos ay lumabas siya sa mga tao. Si 'Umar noon ay nasa gitna ng mga tao, nakahugot ang espada at nagsasabi:

من قال إن رسول الله قد مات ضربت عنقه، فإنما ذهب إلى ربه كما ذهب موسى وسيرجع إلينا

"Ang sinumang magsabi na ang Sugo ng Allah ay namatay ay puputulin ko ang kanyang leeg! Siya ay pumaroon lamang sa kanyang Panginoon tulad ng pagpunta ni Musa, at siya ay babalik sa atin!"

Kaya sinabi ni Abu Bakr:

اسْكُتْ يَا عُمَرُ

"Tumahimik ka, O 'Umar!"

At tumahimik si 'Umar. Pagkatapos ay sinabi ni Abu Bakr:

من كان يعبد محمدا فإن محمدا قد مات، ومن كان يعبد الله فإن الله في السماء حي لا يموت

"Ang sinumang sumasamba kay Muhammad, tunay na si Muhammad ay namatay; at ang sinumang sumasamba sa Allah, tunay na ang Allah ay nasa langit, Buhay at hindi namamatay."

May iba't ibang bersyon ang salaysay na ito. Ang bersyon sa Sahih al-Bukhari ay "fa innallāha ḥayyun lā yamūt", at ang dagdag na "fis-samā'" ay nasa ibang mga ulat. (Sahih al-Bukhari 4452)

Ipinapakita rito na si Abu Bakr ay naniniwala na ang kanyang Panginoon ay nasa Kataas-taasan, sa ibabaw ng 'Arsh.

'Umar ibn al-Khattab (radiyallahu 'anhu)

Gayundin, si 'Umar ay may ganitong tamang paniniwala. Siya ay lumaki at nahubog sa pagtuturo ng Sugo ng Allah ﷺ.

Dumating sa kanya si Khawlah at paulit-ulit siyang pinaalalahanan na siya ang Amir al-Mu'minin, na siya ay mananagot sa kanyang Panginoon, at na dapat siyang matakot sa Allah hinggil sa kanyang mga nasasakupan.

May isang lalaki mula sa kanyang mga kasama ang nagsabi:

قد أكثرت على أمير المؤمنين

"Napakarami mo nang sinasabi sa Amir al-Mu'minin."

Kaya sinabi ni 'Umar:

اسكت! أما تعلم أن هذه خولة التي سمع الله قولها من فوق سبع سماوات

"Tumahimik ka! Hindi mo ba alam na ito si Khawlah, na narinig ng Allah ang kanyang pananalita mula sa ibabaw ng pitong kalangitan?"

Malinaw na ipinapahayag dito ni 'Umar ang kanyang paniniwala na narinig ng Allah ang tinig ng babaeng ito mula sa ibabaw ng pitong kalangitan.

'A'ishah (radiyallahu 'anha)

Sinabi ni 'A'ishah:

سبحان الذي وسع سمعه كل الأصوات! فإن المرأة تشتكي لرسول الله ﷺ فيخفى علي بعض حديثها، فأنزل الله: قَدْ سَمِعَ اللَّهُ قَوْلَ الَّتِي تُجَادِلُكَ فِي زَوْجِهَا وَتَشْتَكِي إِلَى اللَّهِ

"Kaluwalhatian sa Kanya na ang Kanyang pandinig ay sumaklaw sa lahat ng mga tinig! Ang babae ay nagrereklamo sa Sugo ng Allah ﷺ at may mga bahagi ng kanyang pananalita na hindi ko marinig, subalit ipinahayag ng Allah: 'Katiyakan, narinig ng Allah ang pagsasalita ng isang nakikipagtalo sa iyo hinggil sa kanyang asawa at idinadaing niya ito sa Allah.'"

(Al-Mujadilah 58:1)

Ibn 'Abbas (radiyallahu 'anhuma)

Ang paniniwala ni 'A'ishah ay kapareho ng kay 'Umar, at ito rin ang paniniwala ni Ibn 'Abbas. Pumasok siya kay 'A'ishah habang ito ay nasa huling sandali ng kanyang buhay at nagsabi:

أَبْشِرِي

"Magalak ka!"

At ito ang Sunnah: ang pagbibigay ng pag-asa sa taong nasa bingit ng kamatayan, upang siya ay mamatay nang may mabuting pag-aakala sa kanyang Panginoon. Sapagkat sinabi ng Allah (sa hadith qudsi):

أنا عند ظن عبدي بي، فمن ظن بي خيرا فله، ومن ظن غير ذلك فله

"Ako ay ayon sa pag-aakala ng Aking alipin sa Akin; kung siya ay mag-isip ng mabuti sa Akin, iyon ay para sa kanya; at kung iba, iyon ay para sa kanya."

Pagkatapos ay sinabi ni Ibn 'Abbas:

أبشري، أنت زوج النبي ﷺ في الدنيا وفي الآخرة... وأنت التي برأك الله من فوق سبع سماوات

"Magalak ka: ikaw ang asawa ng Propeta ﷺ sa mundo at sa Kabilang-Buhay... at ikaw ang pinawalang-sala ng Allah mula sa ibabaw ng pitong kalangitan."

Ibig sabihin, ang mga talata ay ibinaba mula sa ibabaw ng pitong kalangitan, at ang Allah ay nasa ibabaw ng 'Arsh.

Ang Propeta ﷺ at si Sa'd ibn Mu'adh

Kabilang din sa mga patunay ang sinabi ng Propeta ﷺ kay Sa'd ibn Mu'adh, hinggil sa kanyang hatol sa Banu Qurayzah na papatayin ang kanilang mga mandirigma:

لقد حكمت فيهم بحكم الله من فوق سبع سماوات

"Tunay na humatol ka sa kanila ayon sa hatol ng Allah mula sa ibabaw ng pitong kalangitan."

Ibn Mas'ud (radiyallahu 'anhu)

Sinabi ni Ibn Mas'ud:

ما بين السماء الدنيا والتي تليها مسيرة خمسمائة عام، وبين كل سماء وأخرى مسيرة خمسمائة عام... والعرش فوق الماء، والله فوق العرش، ولا يخفى عليه شيء من أعمالكم

"Ang pagitan ng unang langit at ng kasunod nito ay limang-daang taong paglalakbay, at sa pagitan ng bawat langit at ng kasunod nito ay limang-daang taong paglalakbay... at ang 'Arsh ay nasa ibabaw ng tubig, at ang Allah ay nasa ibabaw ng 'Arsh, at walang anumang bagay sa inyong mga gawa ang nalilihim sa Kanya."

Ang mga Tabi'in

Ito rin ang paniniwala ng mga Tabi'in. Si Masruq ay nagsasabi tuwing nagsasalaysay mula kay 'A'ishah:

حدثتني الصديقة بنت الصديق، المبرأة من فوق سبع سماوات

"Isinalaysay sa akin ng aṣ-Ṣiddīqah, anak ni aṣ-Ṣiddīq, na pinawalang-sala mula sa ibabaw ng pitong kalangitan."

Ito rin ang sinabi nina Mujahid, 'Ata, at iba pa.

Ang Apat na Imam

Ito rin ang paniniwala nina Abu Hanifah, Malik, ash-Shafi'i, at Ahmad.

Abu Hanifah: May isang babae ang lumapit sa kanya at nagsabi:

أنت معلم الناس الفقه، أسألك عن الفقه الأكبر

"Ikaw ang nagtuturo sa mga tao ng fiqh; tatanungin kita tungkol sa pinakadakilang fiqh."

ما هو؟

Sinabi niya: "Ano ito?"

أين الله؟

Sinabi ng babae: "Nasaan ang Allah?"

Sapagkat ito ang pinakadakilang fiqh: ang magkaroon ng tama at dalisay na paniniwala tungkol sa Allah.

Sinabi niya sa babae:

ائتني بعد أسبوع

"Bumalik ka sa akin makalipas ang isang linggo."

Pagkatapos ay sinabi niya:

الله فوق السماء، أو قال: فوق العرش، والعرش فوق السماء

"Ang Allah ay nasa ibabaw ng langit," o sinabi niya: "Sa ibabaw ng 'Arsh, at ang 'Arsh ay nasa ibabaw ng langit."

ومن قال: إن الله فوق السماء ولا يعلم ما عليه العباد فهو كافر؛ لأنه ضل في صفة من صفات الله وهي صفة العلم

At ang sinumang magsabi na "Ang Allah ay nasa ibabaw ng langit ngunit hindi Niya alam ang ginagawa ng mga alipin," siya ay kafir, sapagkat siya ay naligaw sa isa sa mga katangian ng Allah, ang katangian ng kaalaman.

Imam Malik:

إن الله فوق عرشه، ولا يخفى عليه شيء من عباده

"Ang Allah ay nasa ibabaw ng Kanyang 'Arsh, at walang anumang bagay mula sa Kanyang mga alipin ang nalilihim sa Kanya."

Imam ash-Shafi'i:

إن الاعتقاد السليم الذي عليه الأئمة والعلماء: هو أن الله فوق عرشه بائن من خلقه

"Ang tamang paniniwala na kinaroroonan ng mga imam at mga ulama ay na ang Allah ay nasa ibabaw ng Kanyang 'Arsh, hiwalay sa Kanyang nilikha."

Imam Ahmad ay tinanong:

ما رأيك فيمن يقول: إن الله ليس فوق العرش؟

"Ano ang masasabi mo tungkol sa sinumang nagsasabing ang Allah ay wala sa ibabaw ng 'Arsh?"

Sinabi niya:

يكفر

"Siya ay nagiging kafir."

Pagsasabing Nasa Taas, Ito ba ay Tumutukoy sa Direction?

Kapag sinasabi ng Ahlus-Sunnah na ang Allah ay nasa Itaas (فَوْق), hindi ito pilosopikal na haka-haka, at lalong hindi ito salitang inimbento lamang. Ito ay paniniwalang direktang hinango mula sa Qur'an, sa Sunnah, at sa ijmā' ng mga Sahabah at Tabi'in.

Gayunman, dito madalas pumasok ang kalituhan: Kapag sinabi bang "nasa itaas," nangangahulugan ba ito ng direction gaya ng sa mga nilikha?

Ang sagot: Oo, nasa Itaas ang Allah, pero hindi tulad ng direksyon ng mga nilikha.

Ang salitang "direction" ay hindi ginamit ng Qur'an ni ng mga Sahabah. Ang ginamit nila ay:

  • fawqiyyah (pagkakataas),
  • 'uluw (kataas-taasan), at
  • istiwā' 'alal-'Arsh (pag-angat sa 'Arsh).

Ang lahat ng ito ay pinagtibay, nang walang pagtutulad at walang pag-aangkin ng "paano."

Ang problema ay hindi ang salitang "nasa itaas," kundi ang pag-o-overthink ng isip na humihigit sa kapahayagan.

Ang mga Sahabah, gaya nina Abu Bakr, 'Umar, 'A'ishah, at Ibn 'Abbas, ay hindi kailanman nagtanong ng "paano" o "anong direksyon." Para sa kanila, malinaw na ang Allah ay fawqa sab'i samāwāt (nasa ibabaw ng pitong kalangitan), at kasabay nito ay walang anumang bagay ang nalilihim sa Kanya. Hindi nila nakita ang anumang kontradiksyon sa pagitan ng pagiging nasa itaas ng Allah at ng Kanyang ganap na kaalaman at pandinig.

Kapag sinabi ng ilan na "Kung nasa itaas ang Allah, ibig sabihin may direksyon Siya," ang totoo, sila ang nagbigay ng kahulugang hindi sinabi ng Salaf. Hindi sinabi ng mga Salaf na ang Allah ay nasa direksyon gaya ng direksyon ng nilikha.

Ang sinabi nila ay malinaw at simple: Allah is above His creation, over the 'Arsh, distinct from creation. Hindi nila ito ipinaliwanag sa terminolohiyang pilosopikal, dahil ang pananampalataya ay hindi itinatayo sa haka-haka ng isip kundi sa naipahayag na teksto.

Dito pumapasok ang mahalagang qā'idah ng Ahlus-Sunnah:

إِثْبَاتٌ بِلَا تَكْيِيفٍ وَلَا تَمْثِيلٍ، وَتَنْزِيهٌ بِلَا تَعْطِيلٍ

Pinagtitibay ang ipinagtibay ng Allah para sa Kanyang Sarili, nang walang pag-aangkin ng "paano" at walang pagtutulad; at pinapabanal Siya nang walang pagtanggi sa Kanyang mga katangian.

Kaya kapag sinabi nating "nasa Itaas ang Allah," hindi ito nangangahulugang Siya ay nililimitahan ng espasyo, saklaw ng mga dimensyon, o kahalintulad ng nilikha. Sa halip, ito ay pagtanggap sa sinabi ng Allah at ng Kanyang Sugo ﷺ, ayon sa pagkaunawa ng mga unang henerasyon.

Ang pagtanggi sa 'uluw dahil sa takot sa salitang "direction" ay hindi pag-iingat. Ito ay pag-iwas sa teksto.

At dito malinaw ang kaibahan:

  • Ang Ahlus-Sunnah ay nagsasabi: "Allah is above, as He described Himself."
  • Ang iba ay nagsasabi: "Hindi natin matatanggap ang 'above' dahil baka mangahulugan ng direction."

Ngunit ang tanong: sino ang mas ligtas, ang sumunod sa wika ng wahy, o ang umiwas dahil sa haka-hakang pilosopikal?

Pinagtibay ng mga Sahabah at Tabi'in ang 'uluw nang walang kalituhan, walang pilosopiya, at walang pagtanggi. At kung ito ay sapat para sa kanila, na sila ang pinakamainam na henerasyon, ito rin ay dapat sapat sa sumusunod sa kanila, at sa sinumang naghahangad ng ligtas at dalisay na paniniwala.

Sagot sa Akusasyon: "Para Kayong mga Kristiyano"

"Para kayong mga Kristiyano, dahil naniniwala kayong ang Allah ay nasa taas, nasa langit."

Hindi na bago ang linyahang ito mula sa mga ligaw na sekta na umaangking sumusunod sa Qur'an at Sunnah. Sa katotohanan, ito ay nakabatay sa maling paghahambing at sa kakulangan nila sa pag-unawa sa wika ng Qur'an at sa paniniwala ng Salaf.

Ang paniniwala ng mga Kristiyano at ang paniniwala ng Ahlus-Sunnah tungkol sa Allah ay magkaibang-magkaiba sa pundasyon, kahulugan, at implikasyon.

Hindi natin hinango ang paniniwalang ito sa Kristiyanismo. Ang paniniwala na ang Allah ay nasa Kataas-taasan (الْعُلُوّ) ay direktang galing sa Qur'an, sa Sunnah, at sa ijmā' ng mga Sahabah at Tabi'in, gaya ng ating napatunayan.

Ang mga Kristiyano ay naniniwala na ang Diyos ay incarnated: bumaba sa anyong tao, kumain, natulog, at ipinako sa krus. Ang Islam ay ganap na nagtatakwil sa lahat ng ito.

Sinabi ng Allah:

لَيۡسَ كَمِثۡلِهِۦ شَيۡءٞۖ وَهُوَ ٱلسَّمِيعُ ٱلۡبَصِيرُ

"Walang anuman ang makatutulad sa Kanya, at Siya ang Lubos na Nakaririnig, ang Lubos na Nakakikita."

(Ash-Shura 42:11)

Kaya ang pagkakatulad sa salita ("nasa langit") ay hindi nangangahulugan ng pagkakatulad sa paniniwala. Ito ay isang false analogy.

Ano ang Kahulugan ng "Fis-Samā'" sa Qur'an?

Isa sa madalas pagmulan ng akusasyon ay ang talatang:

ءَأَمِنتُم مَّن فِي ٱلسَّمَآءِ أَن يَخۡسِفَ بِكُمُ ٱلۡأَرۡضَ فَإِذَا هِيَ تَمُورُ

"Kayo ba ay nakadarama ng katiwasayan na Siya na nasa kalangitan ay hindi magtutulot na kayo ay lamunin ng lupa kapag ito ay biglang umuga?"

(Al-Mulk 67:16)

Sabi ng mga mali ang intindi, imposible raw na ang Allah ay nasa loob ng langit dahil ang langit ay nilikha Niya lamang, at imposibleng lilikha ka ng bagay at papasok ka rito samantalang ikaw ang pinakamalaki at nakahihigit sa lahat.

Ang ganitong kaisipan ay bunga na naman ng pag-o-overthink. Sa wikang Arabic, ang "فِي" (fī) ay may maraming gamit, at kabilang dito ang kahulugang "عَلَى" ('alā, sa ibabaw ng).

Ito ay kilalang tuntunin sa Arabic grammar at usage, hindi imbensyon ng mga theologian. Halimbawa mula mismo sa Qur'an, sinabi ng Allah:

قُلۡ سِيرُواْ فِي ٱلۡأَرۡضِ ثُمَّ ٱنظُرُواْ كَيۡفَ كَانَ عَٰقِبَةُ ٱلۡمُكَذِّبِينَ

"Sabihin mo: 'Maglakbay kayo sa lupain, at pagkatapos ay tingnan ninyo kung paano ang naging wakas ng mga nagpasinungaling.'"

(Al-An'am 6:11)

Dito, ang "فِي الْأَرْضِ" ay hindi nangangahulugang "pumasok sa loob ng lupa," kundi maglakbay sa ibabaw ng lupa. Walang sinumang may matinong isip ang mag-aakalang ang utos ay maghukay at pumasok sa loob ng lupa.

Parehong wika, parehong preposition, parehong lohika.

Kaya kapag sinabi ng Allah na Siya ay "fis-samā'", ito ay naiintindihan ng Salaf bilang "sa ibabaw ng mga kalangitan," hindi nakapaloob o nakakulong sa loob ng mga ito.

Tinalakay natin kanina ang al-aṣlu fil-kalām al-ḥaqīqah: ang orihinal na kalagayan ng mga salita ay ang tunay na kahulugan nito, at hindi tayo maaaring gumamit ng secondary meaning nang walang dalil.

Kaya may dalil ba na ang fis-samā' ay hindi nangangahulugang "sa loob," kundi "sa ibabaw" ng langit?

Ang sagot ay mayroon. Ang mga Sahabah mismo ay hindi kailanman umintindi ng fis-samā' bilang "nasa loob ng langit." Kaya nga malinaw ang kanilang mga pahayag:

  • "Ang Allah ay nasa ibabaw ng pitong kalangitan."
  • "Ang Allah ay nasa ibabaw ng 'Arsh."
  • "Narinig ng Allah ang kanyang pananalita mula sa ibabaw ng pitong kalangitan."

Kung ang kahulugan ng fis-samā' ay "sa loob ng langit," sila sana ang unang tumutol. Ngunit wala kahit isang Sahabi ang nagsabi nito.

Ito ang mahalagang qā'idah ng Ahlus-Sunnah:

نَفْهَمُ النُّصُوصَ كَمَا فَهِمَهَا السَّلَفُ، لَا كَمَا تَتَوَهَّمُهَا الْفَلَاسِفَةُ

"Inuunawa namin ang mga teksto ayon sa pagkaunawa ng Salaf, hindi ayon sa haka-haka ng mga pilosopo."

Bakit Maling Sabihing "Kristiyano" ang Paniniwalang Ito?

Ang mga Kristiyano ay nagsasabing:

  • Ang Diyos ay Ama.
  • Ang Diyos ay bumaba at naging tao.
  • Ang Diyos ay namatay.

Samantalang ang Islam ay nagsasabi:

  • Ang Allah ay hindi ipinanganak at hindi nanganganak.
  • Hindi Siya bumaba upang maging nilikha.
  • Siya ay nasa Kataas-taasan, hiwalay sa Kanyang nilikha, at walang katulad.

Kung gayon, saan ang pagkakatulad? Wala, maliban sa maling paggamit ng salita at malisyosong akusasyon.

Pangwakas

Buksan natin ang ating puso at huwag maging mapagmataas laban sa malinaw na dalil. Ang Allah ay nasa Itaas, tulad ng Kanyang sariling pahayag sa Qur'an, ng pagtuturo ng Propeta ﷺ, at ng pagkaunawa ng mga Sahabah at Tabi'in.

Ang kaligtasan ay hindi nakasalalay sa pilosopiya o haka-haka ng isip, kundi sa pagsuko sa hayag na katotohanan. Kaya hayaang magpakumbaba ang puso, tanggapin ang ipinahayag ng Allah, at iwan ang kayabangan, sapagkat sa pagtanggap ng dalil naroroon ang kapayapaan at ang tunay na pananampalataya.

Comments

    Leave a comment